Sabi nga ng kanta ng isa sa mga sikat na banda sa ‘pinas, “Uso pa ba ang harana?” Marahil marami ang magsasabi na hindi na nga uso ang sinaunang pamamaraan ng panliligaw na ito. Ika nga nila, nasa “computer-age” na tayo, hindi na ito “in” at marahil corny na sa paningin ng iba.
Para sa’kin, isa sa mga paraan para maramdaman ng isang babae ang pagmamahal ng isang lalaki ang pang haharana. Isa sa mga pangarap ko ang haranahin. Hindi man isang buong orkestra ang dala ng isang lalaki, kahit simpleng gitara o kahit akapela ay ayos na.
Madalas pag magkausap kami sa telepono, may mga pagkakataon na kumakanta kami ng mga awitin na parehong gusto/alam namin. Pero parating hindi tapos. Pero kagabi, nung magkausap kami sa telepono, kinantahan nya ako ng isang buong kanta. Alam kong nahihiya s’ya at may kataasan yung kanta, pero natutuwa ako kasi tinapos n’ya yung kanta. Kung itatanong n’yo kung ano yung kanta, ito yung kanta ni Regine Velasquez, “Pangarap Ko Ang Ibigin Ka”. Sinabi nya sa akin na ito yung kanta n’ya para sa akin. “Pangarap ko ang ibigin ka.. At sa habang panahon, ikaw ay makasama.. Ikaw na lang ang s’yang kulang sa buhay kong ito.. Pangarap ko ang ibigin ka..”
Sa mga nakakakilala sa akin, malaking parte ng buhay ko ang musika. At ang maranasan ang “panghaharana” na ginawa sa akin kagabi, hinding hindi ko makakalimutan ito. Kahit pa sabihin natin na ito’y panghaharana sa “computer-age”.
